Si Tatang, Si Ferdie

Embed Size (px)

DESCRIPTION

maiikling kwento

Text of Si Tatang, Si Ferdie

Si Tatang, Si Freddie, Si Tandang Senyong

Maikling KuwentoSi TATANG, SI FREDDIE,Si TANDANG SENYONGAT IBA PANG MGA TAUHAN NG AKING KUWENTOni Ricardo Lee

1. A-beinte uno de Mayo, sa aking lupang tinubuanNagsimula ang ideya na sulatin ko ang kwentong ito noong 1967, apat na taon na ang nakararaan. Isang panahon iyong ang tingin ko sa pagsusulat ay isang indibidwal na akto. Isang bagay na ako lamang at ilang piling nilalang sa daigdig ang makagagawa. Nagsusulat kami sa isang makasining at matulaing paraang aabot sa isang pamantayang kami lamang ang nakaiintindi. Ang buong daigdig, ang lipunan noon, para sa akin, ay ang sarili ko lamang. Kaya ang pagsusulat ko noon ay ang paglalahad ng sarili.

Noon gabi ang buhay para sa akin. Kasama ng mga kapwa ko manunulat na sina Rol, Freddie at Bong, palilipasin ko ang mga magdamag sa isang tagong coffee shop sa Pasay sa paglulunoy sa pagkaawa sa sarili. Pag-aari ito ni Rol. Sa gitna ng coffee shop ay buong kapanglawang nakadukmo sa yakap-yakap na gitara ang isang hippie habang kinakanta ang kanyang dalit ng alyenasyon.

Kami naman nina Freddie, sa isang tasang kape ay ilalagay naming kasama ang, asukal ang aming mga hinanakit sa isang lipunang di makaunawa sa amin, sa isang daigdig na di namin maintindihan ang galaw, sa isang buhay na para sa amin ay walang pinaggalingan at walang patutunguhan.

Sapagkat pare-pareho kaming nagdaan sa isang buhay na wasak-wasak(magulong pamilya, amang lasenggo, tiyang masungit, at iba pang mga putahe sa isang magulong buhay), lumalangoy kami noon sa paniniwalang kamiy maraming nalalaman at nararamdaman kaysa sa karaniwang tao. Kaya nakapagsusulat kami. Kaya may karapatan kaming buhat sa malayo ay tingnan ang galaw ng buhay sa lipunan, saka buhat sa malayo din, nang di nakikisangkot, ay isulat namin ang karanasang ito ng lipunan, nang ayon sa aming mga indibidwal na buhay.

At kung mga magdamag na medyo mabait ang kunday ng halos mamatay nang kandila sa mesa, kapag wala pa ang paminsan-minsang bugso sa amin, ng pagnanasang basta na lamang umuwi at magkulong sa kuwarto at magbaril sa sarili, pinag-uusapan namin ang nag-iisang dahilan ng pagtitiyaga naming makiangkas sa buhay: ang pangarap naming makapagsulat ng isang obra maestra iyong yayanig sa daigdig iyong hahalukay sa pinakaibuturan ng dibdib ng tao.

Mag iisang taon na kaming pawang di nakapagsusulat, kung sa bagay, at ako nang mga araw na iyon ay wala nang nagagawa kundi basa-basahin nang paulit-ulit ang kahuli hulian kong kuwentong nasulat, sa takot na baka makahulagpos sa mga kamay ko ang kaalaman ko sa pagsusulat, at malulon ako ng pinagtatrabahuhan kong magasin. Sa drawer ng mesa ko sa munting apartment na inaarkila ko sa isang eskinita sa Sampaloc, ay nagkalat ang mga panimula ng mga kuwentong di ko na siguro matatapos, at mga pangunahing tauhang di ko na siguro mabibigyang buhay, isang paring di ko pa malaman kung ano ang ibibigay kong kahapon, isang boksingerong wala pang laban, isang magsasakang di pa napapatay sa Maliwalu, isang bisayang utusang di pa napaglalalangan ng buhay lungsod, isang putang wala pang bugaw. Di pa sila makagalaw at siguro di na makagagalaw pa.

Hanggang isang gabing mabait na naman ang kunday ng kandila sa mesa, noong beinte uno ng Mayo ng 1967. Medyo lango sa isang dosenang beer na iniwan namin ang coffee shop, upang salubungin ang madaling araw sa mga kalsada ng Pasay. Huwag kang aalis diyan, baby ha, huwag kang sisibat, ani Freddie sa pinto ng coffee shop nang paalis na kami. Mestisong Kastila si Freddie, at pinalayaw ng asenderong ama, kaya mahina ang loob. Kaya nakaririnig pa lang kami ng isang putok sa may isang gasolinahan sa Pasay ay nagsimula nang manginig, mamutla, magyayang uwuwi na kami, sige na naman mga bok, o, halika na kayo.

Sinusundan namin ang agos ng mga taong nagtatakbuhan habang hila hila namin si Freddie. Nakita namin ang isang pangkat ng matatanda at ilang kabataang nakarayadilyo, may wasiwas na mga bolo sa hangin at nagsisigawang tumatakbo padaluhong sa isang pangkat naman ng mga PC na walang puknat ang pagpapaputok ng mga karbin at armalayt.

Napakapit sa akin si Freddie, at narinig ko ang garalgal at nagmamakaawang pabulong niya huwag, huwag, huwag. Nag-aatrasan na noon ang mga nakarayadilyong matatanda, natarantanta nat nagkakapatung patong halos sa pagkakadapa sa batuhang kalsada, pero patuloy pa ring pinapuputukan ng mga PC, pawasiwas ang asinta ng baril. Isang bus na punung-puno ng mga babae at bata at ilang nakarayadilyo pa ring matatanda ang dumating, sandaling huminto, ngunit nang makita ang nangyayari ay hintakot na umusad ding palayo. Pero isang matandang sakay nito ang nakababa na, at sa kalituhan ay napatakbo sa direksyon ng mga PC at nagkikisay na napahumindig sa gitna ng kalsada, saka nalugmok ang mukha sa sumabog na dala dalang bayong bigas.

Ang lahat, para sa amin ay isang nakabibiglang panoorin lalo na kay Freddie isang banyagang arawang biglang pumasok at gumambala sa aming kamalayan. Kaya kahit nang nakasiksik na kami sa dingding ng isang tindahang turu turo, na dali daling nagsara noon ay di pa rin namin lubusang masakyan kung ano talaga ang nangyari. Parang isa sa mga tula mo, Freddie, sasabihin ni Bong kapag malayu layo na kami, nambubuntal at nakabibigla pero di naman maintindihan.

Nahihilo si Freddiet anyong magsusuka na, kaya bumalik kami, nakiusap sa coffee shop na tanggapin kaming muli. Sa loob habang bubuntu-buntung hininga na lamang na nakamata si Freddie sa sulok, pinalipas muna namin ang mahabang sandali ng katahimikan bago namin tinangkang lagumin ang mga pangyayari nang madaling-araw na iyon. Ano nga ba ang nangyari? Tanong ni Bong Watak-watak pa ang mga larawan. Mga bangkay na nakalublob sa duguang kanal. Parang mga tipaklong na haging ng baril sa aspalto. Karbin ng mga PC na nakaumang pa rin sa di na gumagalaw na mga bangkay. Ilang matatandang babaeng nagngunguynguyan sa gilid ng isang dyip. Isang nanlilitid na matandang lalaking tiklop ang sombrero sa dibdib habang nanggagalaiti sa pagsigaw ng putang ina nyo putang ina nyo sa mga PC na tumitisod patihaya sa ilang nakataob na bangkay. Isang matandang mag-ootsenta anyos na yata na kinakaladkad ng mga PC pababa ng isang hagdan. Mga taong nakamata lamang sa bangketa. Mga usap usapan.

Nagnonobena daw sila kanina dahil kabilugan ng buwan.

Karbin at armalayt.

Saka lulusubin daw nila ang Malakanyang.

Lapiang Malaya.

Pinasusuko daw nila si Marcos.

Tatang de los Santos.

Pustahan tayo, ani Rol, sa lasing na tinig.

Magkita-kita tayo sa isang taon dito, a-beinte uno de Mayo din. Kung sino ang makagagawa ng isang magandang kwento tungkol sa nangyari kanina ay paiinumin ko ng beer, libreng beer, hanggang madaling araw, okey?

Mahirap, reklamo ni Bong. Santaon na kong di nakaaamoy ng peryodiko.

Sabagay, patianod ni Rol.

Pero kaya nga pustahan e, mahirap, sambot ko naman

kung gayoy payag ka? waring gusto na rin umatras ni Rol

Tumango ako

Ayoko ng topic, ani Freddie, na mukhang masusuka na naman iba na lang

Hanggang noon, ang nasusulat pa lamang ni Freddie ay walong kuwentong ang mga pangunahing tauhan ay pawang mga batang lilimahing taong gulang, na parang matatanda na kung kumilos, malulungkot at di tumatawa, tiwalag sa mga kapwa bata. Namatay ang ina ni Freddie noong limang taong gulang pa lamang siya, at mulang pagkabatay ikinulong siya ng ama sa kanilang asyenda sa pampangga hanggang lumaki siya at magkalakas ng loob lumayas. Nagkikita na lamang silang mag-ama, walang kibuan, kung humihingi siya rito ng linggu-linggong allowance. Pangarap niyang magkatrabaho, kahit ubod siya ng tamad, para matupad ang lagi niyang minimithing pag-aampon ng isang bata.

Bago natapos ang gabi ay napatianod na rin sa pagsangayon sa pustahan sina Freddie. Sa lamlam ng kandila ay biglang bumalatay sa aming mga isipan ang konting pangamba, at nagkatinginan kaming apat. Paano kung sa isang taong pagtigil naming sumulat ay bigla naming matuklasang di na pala talaga kami makapagsusulat pa? Tatawa ka marahil, pero noon, unawain mo, ang buhay namin ay umiikot lamang sa ilang boteng beer, isang makinilyang kung kaninong kaibigan nahiram, ilang tula at kuwentong mga buwan binibilang bago namin matapos dahilan sa masusing pagsusuri sa bawat salita at tuldok, at isang maliit na kandilang aandap andap sa lamig at dilim ng coffee shop, na sa munting hihip ng hangin ay maaaring mamatay.

2. HUNYO DOSE, ARAW NG MGA BALIW.

Nabubuhay sila sa tanglaw ng isang kandilang aandad-andap, na sa munting hihip lang ng hangin ay maaaring mamatay

Matapos ang nakahihilong pagkakasunod-sunod ng pagpunta ko sa headquarters ng Lapiang Malaya sa Pasay sa National Mental Hospital na pinagkulungan sa maraming kasapi ng Lapiang Malaya dahil nga baliw daw ang mga ito ayon sa gobyernong pinaghimagsikan nito, pag-interbyu ko sa kanilang Supremo na si Tatang de los Santos, pakikinobena ko sa mga tauhan niyat pakikipagtalakayan, matapos ang lahat ng itoy nalunod ako sa mga konkretong detalye ng mga tunay na pangyayari sa kapaligiran. At ako, akong nahirang magsulat nang batay lamang sa imahinasyon, ay sandaling nawalan ng panimbang, di malaman kung paanong susulatin ang buhay ng isang tunay na tao. Ano meron si Tatang at nagawa niyang pasugurin ang ilang daang matatandang walang dala kundi bolo sa mga karbin at armalayt ng PC?

Pinuntahan ko siya sa Mental Hospital isang araw. Sa Pavilion 4. Nang dalhin siya roon kinaumagahan noong ng pagpaslang sa mga tauhan niya ay tumutol siya, nanlaban sa mga PC at nars, bat nyo ako ikukulong, anong akala nyo sa kin, luku-luko? Basta ba tumututol sa palakad ng gobyernong ito ay luku-luko at dapat ikulong?Mababa lamang si Tatang. Balingkinitan ang pangangatawan bagamat siksik sa laman at lakas ang bisig boksingerong kahit sa gulang na otsen